May nakitang nagyeyelong bundok sa surface ng planetang Pluto sa kauna-unahang close-up photo na naipadala ng spacecraft na New Horizon ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).
Sa impormasyon mula sa NASA, ang nakitang bundok ay may taas na aabot sa 11,000 feet o 3,400 meters.
Ang pagkakatuklas sa bundok ay patunay ayon sa NASA na ang Pluto ay “geologically active”.“Now we have settled the fact that these very small planets can be very active after a long time and I think it is going to send a lot of geophysicists back to the drawing boards to try and understand how exactly you do that,” ayon kay principal investigator Alan Stern.
Ang iba pang larawan na naipadala ng New Horizon ay ang kuha nito sa Charon na pinakamalaking buwan sa Pluto. Ayon sa NASA ang laki ng Charon ay halos kapareho ng laki ng buong Texas.
Ang New Horizons ay matagumpay na nakalapit sa Pluto matapos ang mahigit siyam na taon nitong paglalakbay sa layong aabot sa 3 billion miles o 4.8 billion kilometers.
Sinabi ng NASA na mapapatuloy ang pagtanggap nila ng larawan mula sa New Horizons sa susunod pang mga Linggo./ Dona Dominguez-Cargullo