
METRO MANILA, Philippines — Nagbago siya ng isip dahil nagbago rin ang isip ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ang sagot ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa nang tanungin ukol sa pagbabago ng isip na ikinukunsidera na ang pagtatago kapag may utos na ang International Criminal Court na hulihin siya.
Ipinunto niya ang pagbabago ng posisyon ni Marcos kaugnay sa hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
BASAHIN: Ilegal ang gagawing pag-aresto na utos ng ICC – Bato dela Rosa
Binalikan ng senador ang pangako sa kanya ni Marcos na hindi hahayaan ang ICC na makapasok sa Pilipinas.
“Dapat flexible ka. Huwag kang magpa-fix diyan dahil panahon ng kagipitan ngayon marunong dumiskarte dapat,” sabi ni dela Rosa.
Idinagdag ng senador na susuko lamang siya kung ang isisilbi sa kanyang warrant of arrest ay mula sa isang korte dito sa Pilipinas.
Samantala, ibinahagi ni dela Rosa na binawi na sa kanya ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang pulis na itinalaga para pangalagaan siya.
Aniya, naiintindihan naman niya ang naging hakbang ng PNP para hindi maipit sa kasalukuyang sitwasyon.