RA 9851 basehan ng PH sa pagpayag na maaresto si Rodrigo Duterte

METRO MANILA, Philippines — Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na legal ang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte base sa warrant of arrest mula International Criminal Court (ICC).
Binanggit ni Remulla ang Republic Act No. 9851 — ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity.
Pinaliwanag ng kalihim na nakasaad sa batas na maaring isalin ng gobyerno ang kustodiya ng isang tao sa isang international tribunal para masakdal o malitis.
BASAHIN: ICC arrest warrant isinilbi kay dating Pangulong Duterte sa NAIA
Sinabi din niya na may desisyon na ang Korte Suprema na ang lahat ng mga pangyayari hanggang sa isang partikular na petsa noong 2019 ay nasa hurisdiksyon pa rin ng ICC.
Aniya, ang pinagbasehan ng kaso sa ICC ni Duterte ay mga pangyayari noong siya ay mayor pa lamang ng Davao City hanggang sa pagtalikod ng Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Kasabay nito, sinabi ni Remulla, tanging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lamang ang makapagdedesisyon kung babalik ang Pilipinas na miyembro ng ICC.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.