
METRO MANILA, Philippines — Nagtungo sa Senado nitong Martes ang ilang opisyal ng Kamara para tingnan ang pagdarausan ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni House Secretary General Reginald Velasco natuwa naman sila sa kanilang nakita bagamat aniya kailangan niyang mag-ulat sa pamunuan ng Kamara at sa 11-man prosecuting team para malaman may ipapadagdag o hihilingin pa sila mula sa pamunuan ng Senado.
Kasama ni Velasco si Senate Secretary Renato Bantug Jr. sa pag-inspeksyon sa Senate Session Hall, kung saan idaraos ang paglilitis.
BASAHIN: Kongreso di aayaw sa VP impeachment special session – Escudero
Ayon kay Bantug, halos wala pa silang ginastos sa ginagawa nilang paghahanda dahil aniya ang gagamitin witness stand ay ang ginamit sa impeachment trial ng yumaong dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Maging ang mga gagamiting mesa at upuan ay pawang luma din.
Ipinakita din ni Bantug kay Velasco ang Sen. Arturo Tolentino Room, na magsisilbing holding area ng mga magmumula sa Kamara.
Naibahagi naman ni Velasco na may itatalaga silang isang kuwarto sa Kamara para magsilbing backroom sa impeachment trial.