AWOL cop na vlogger kinasuhan ng inciting to sedition kontra Marcos

METRO MANILA, Philippines — Sinampahan ng kasong inciting to sedition ang isang pulis ng Quezon City dahil sa kanyang video log o vlog laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa paghuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang isinampang kaso laban kay Patrolman Francis Steve Fontillas ay may kaugnayan sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act 0f 2012.
Bukod kay Marcos, tinuligsa din ni Fontillas sa kanyang Facebook page Fonts Stv Vlogs, ang ilang matataas na opisyal ng pambansang pulisya sa pangunguna ng CIDG diretor, si Maj. Gen. Nicolas Torre III.
BASAHIN: Mga anak ni Rodrigo Duterte may habeas corpus petition sa SC
Nabatid ng Radyo Inquirer na itinalaga sa District Personnel and Holding Unit mula noong ika-20 ng Pebrero si Pontilla ngunit idineklara itong absent without official leave (AWOL) simula noong ika-6 ng Marso.
Samantala, ibinahagi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na may ulat ukol sa nakakabahalang pag-uugali ni Fontilas, kabilang na ang pagiging mainitin ang ulo — at ginamot siya noong 2023.
Pinag-aaralan nang isailalim sa restrictive custody si Fontillas, sabi pa ni Fajardo.
Kaugnay nito, sinabi ni Quezon City Police District acting director, Col. Melecio Buslig Jr., na dapat ay iniiwasan ng mga pulis na makibahagi sa mga usaping pulitikal, kasama na sa social media.
Pinag-aaralan na ng National Police Commission ang pagpapa-imbestiga at pagsasampa ng mga kasong administratibo laban kay Fontillas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.