
METRO MANILA, Philippines — Kumbinsido si House Speaker Martin Romualdez na hindi mabibigo ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa mga Waray.
Pinatunayan ito ng higit 100,000 na Waray na dumagsa sa grand rally ng Alyansa sa Tacloban City Biyernes ng hapon.
“Ang pagkakaisang ipinakita ng ating mga kababayan dito sa Eastern Visayas ay patunay na buo ang suporta natin sa liderato ni Pangulong Marcos. Hindi lang ito isang rally — ito ay isang paninindigan na ipagpapatuloy natin ang mga repormang magpapalakas sa ating ekonomiya at magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa bawat Pilipino,” idiniin ni Romualdez.
BASAHIN: Bagong istratehiya pinaplano ng Alyansa para manalo 12 kandidato
Pagpapatunay din ito aniya na nanatiling balwarte ng mga Marcos at Romualdez ang Eastern Visayas.
Hinimok ni Romualdez ang mga kapwa Waray na iboto ang mga kandidato ng Alyansa dahil sila ang tunay na makakatulong kay Pangulong Marcos Jr., sa pagpapa-unlad ng bansa at buhay ng mga Filipino.
“Ang mga kandidatong ito ay maaasahang magpapatuloy ng reporma ni Pangulong Marcos. Ang boto natin para sa kanila ay boto para sa mas maraming trabaho, mas magandang edukasyon, at mas maayos na serbisyong pampubliko,” dinagdag pa nito.
Patunay din ng libo-libong dumalo na mga Waray sa grand rally ang patuloy na pagsuporta sa administrasyong Marcos.