
METRO MANILA, Philippines — Kumpiyansa si dating Interior Secretary Benhur Abalos na agad na mareresolba ng pulisya ang brutal na pagpatay sa isang babaeng Slovakian sa Boracay Island sa Aklan.
Sinabi ni Abalos na prayoridad ng Western Visayas Regional Police Office ang pagpatay sa 23 anyos na si Michaela Mickova.
Natagpuan ang naaagnas ng bangkay ng turista sa abandonadong kapilya ng Pearl of the Pacific Hotel sa Barangay Balabag noong ika-12 ng Marso, dalawang araw matapos iniulat sa awtoridad ang kanyang pagkawala.
BASAHIN: Death penalty sa krimeng karumaldumal ipababalik ni dela Rosa
Ayon kay Abalos maituturing na “isolated case” ang pangyayari dahil ito ang kaso ang kauna-unahan sa naturang popular na tourist destination.
Sinabi pa niya na may mga impormasyon na ang pulisya na maaring magsilbing susi upang malutas ang kaso.
Kasabay nito, nagpa-abot na ng kanyang pakikiramay si Abalos sa pamilya at mga kaibigan ng biktima sabay giit na kinikilala sa buong mundo ang kabaitan ng mga Filipino.