Paghingi ng asylum ni Rodrigo Duterte sa China ‘fake news’ – Bato

METRO MANILA, Philippines — Pinasinungalingan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa nitong Miyerkules ang kumalat na balita na nagtungo sa Hong Kong si dating Pangulong Rodrigo Duterte para magpakupkop kay Chinese President Xi Jinping.
Idiniin ni dela Rosa na “fake news” ang ipinakalat na impormasyon at ipinagtatanggol si Duterte na nagmalasakit ito sa mga kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP).
“Sino gumawa ng istorya na yan? Sino gumawa ng istorya na yan sa Total Lie. Fake news yan. Pagod na nga yung tao, pinilit lang niyang bumiyahe dahil nga concern siya sa aming partido. Gusto nya maikampaniya sa Hong Kong. Anong Xi Jinping? Total lie yan!,” sabi ni dela Rosa.
BASAHIN: LIVE UPDATE: Rodrigo Duterte at The Hague
Inamin ng senador na hindi siya sumunod sa Hong Kong matapos makatanggap ng impormasyon na naglabas na ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant.
Sinubukan niyang balaan si Duterte ukol sa warrant of arrest, ngunit nasa Hong Kong na ang dating pangulo.
Inasikaso aniya niya ang ihahain nilang petisyon sa Korte Suprema para harangin ang warrant of arrest, at ito rin ang dahilan kayat hindi siya nagtungo sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) Terminal 3 at Villamor Air Base nang maaresto na si Duterte.
BASAHIN: ICC arrest warrant isinilbi kay dating Pangulong Duterte sa NAIA
Kasabay nito, inakusahan ni dela Rosa ang gobyerno na ginagawang palusot lang ang Interpol para pagtakpan ang gigil na maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Alam mo, mas excited pa, mas interesado pa ’yung Philippine government na mahuli si President Duterte kaysa ICC atsaka yung sinasabi nilang Interpol,” himutok ng senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.