
METRO MANILA, Philippines — Umapila ng dasal si Sen. Christopher “Bong” Go para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos isailalim sa kustodiya ng mga awtoridad base sa warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Nagtungo sa NAIA Terminal 3 si Go nang malaman ang mangyayaring pag-aresto ng Interpol sa dating pangulo nitong Martes ng umaga.
Kasama ng senador ang si Dr. Agnes del Rosario, ang personal na doktor ni Duterte, dahil nag-aalala ito sa kalusugan ng dating pangulo.
BASAHIN: ICC arrest warrant isinilbi kay dating Pangulong Duterte sa NAIA
Nabanggit ni Go na kagabi ay nakaranas ng pananakit ng likod ang dating pangulo at bukas ay kailangan nitong sumailalim sa isang medical procedure.
Ngunit sinabi ni Go na biglang nakansela ang kanilang airport pass kayat hindi na siya nakalapit kay Duterte.
“Sa mga kababayan po natin, maghinahon po kayo, keep calm. Ipagdasal niyo po si dating Pangulong Duterte. Ipagdasal muna natin. Importante sa kanya ang kasulugan,” ani Go sa kanyang Facebook live.
Hiniling din ng senador na pangalagaan si Duterte.