
METRO MANILA, Philippines — Nagbigay paglilinaw ang Department of Public Works and Highways (DPWH) – National Capital Region ukol sa nabinbing multi-purpose gymnasium sa isang public high school sa lungsod ng Quezon.
Sa pahayag na nailathala sa official Facebook account ng DPWH nitong Miyerkules, sinabi nitong ang tinukoy na “100% complete” ay ang Phase 1 ng proyekto, at ito ay ang paglalagay ng structural steel I-beams.
Ang natapos na bahagi ng proyekto ay pinaglalaanan ng P75 milyon, ayon pa sa DPWH-NCR.
Ayon pa sa tanggapan, mangangailangan ng kabuuang P225 milyon upang mapakinabangan na ang proyekto ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng Carlos L. Albert High School.
BASAHIN: Villanueva sa DPWH: Nasaan ang 5,500 flood control projects?
Sinimulan ang konstruksyon ng proyekto noong Marso 2023, at makalipas ang halos dalawang taon ay ang tinukoy na Phase 1 pa lamang ang natapos.
Sinabi pa ng DPWH-NCR na hiniling na mapondohan ang proyekto noong 2024 at ngayon taon, ngunit walang inilaan para maipagpatuloy at matapos na ang konstruksyon.
Tiniyak ng tanggapan na muling hihilingin na mapondohan ang proyekto sa ipapanukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Nangako ang DPWH Quezon City 2nd District Engineering Office na kapag napondohan muli ang proyekto ay agad na tatapusin ang proyekto dahil sa kahalagahan nito sa mga mag-aaral at kawani ng naturang paaralan.
Ang natigil na proyekto ang naging ugat para maghain sa Office of the Ombudsman ng reklamong malversation of public funds ang Citizens Crime Watch (CCW) laban kay QC 4th District Rep. Marvin Rillo.
Samantala, hindi pa nakakatanggap ng kopya ng reklamo ang kampo ni Rillo.