
METRO MANILA, Philippines — Mainit ang naging pagtanggap kay dating Interior Secretary Benhur Abalos ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanyang pagbisita sa Hong Kong kamakailan.
Bunga nito, lubos na pinasalamatan ni Abalos ang OFWs at nangako na magsusulong ng mga panukalang-batas para sa ikabubuti ng kabuhayan ng lahat ng Filipinos, kabilang na ang OFWs.
“Mga kababayan ko dito sa Hong Kong, tandaan ninyo, iisang pamilya tayo. Inaalay ko ang sarili ko sa inyo,” sabi ni Abalos na umani ng hiyawan sa mga kaharap na OFWs.
BASAHIN: Abalos ipinagtanggol ang PNP operation sa compound ni Quiboloy
Tinatayang humigit kumulang 140,000 ang bilang ng mga nagtatrabahong Filipino sa Hong Kong, na karamihan ay household service workers.
Binanggit din ni Abalos sa OFWs na batid niya ang kinakaharap nilang mga hamon at sakripisyo kayat pinagbilinan ang mga ito na huwag mawalan ng pag-asa.
“Mga kasama, tandaan ninyo ito. Walang taong walang problema at walang problemang walang solusyon. Whether we like it or not, isang bangka tayo. Matanda, bata, lalaki, babae — henerasyon natin ito. Tandaan niyo yan, walang imposible,” sabi pa niya.