Senado di magpapadikta sa VP Duterte impeachment trial – Escudero
METRO MANILA, Philippines — Tiniyak ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi magpapadikta ang mga mambabatas kapag natuloy na maging impeachment court ang Senado para kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Escudero na ang pag-akto ng mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial ay ayon sa impeachment rules.
“Hindi namin ito mamadaliin, pero hindi namin din ipagpapaliban ng walang matibay na dahilan,” sabi ni Escudero.
BASAHIN: Articles of impeachment laban kay VP Duterte nasa Senado na
Hindi din aniya nila maaring kuwestiyonin ang dahilan o motibo ng mga mambabatas ng Kamara na sa huling araw ng sesyon ng Kongreso ipinasa sa kanila ang Articles of Impeachment.
Nagpahiwatig pa si Escudero na maaring sa ika-2 ng Hunyo, kung kailan magpapatuloy ng sesyon sa 19th Congress matapos ang kanilang midterm election break, mapapag-usapan sa plenaryo ang Articles of Impeachment.
Katuwiran ng senador, ito ay alinsunod sa kanilang legislative calendar.
Ibinahagi din niya na walang kumakausap sa kanya na pabor o kontra sa pagpapatalsik sa puwesto kay Duterte at aniya kung mayroon man ay magbibingihan na lamang siya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.