
METRO MANILA, Philippines — Inaalam na ng Department of Migrant Workers (DMW) kung sino ang maaaring papanagutin sa pagpapadala sa Pilipinas ng hindi naman mga labi ng namatay na overseas Filipina worker na si Jenny Alvarado mula sa Kuwait.
Kasabay nito, humingi na ng paumanhin si Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac nitong Miyerkules sa pamilya ni Alvarado hinggil sa pangyayari.
Inako na lamang ng kalihim ang responsibilidad dahil pinamadali niya ang pagpapadala ng mga labi ni Alvarado sa Pilipinas.
BASAHIN: Magna Carta of Senior Citizens, Senior OFWs bills inihain sa Kamara
Noong ika-2 ng Enero namatay si Alvarado at dalawa pang banyaga habang sila ay nagta-trabaho dahil sa “coal suffocation.”
Dumating sa bansa noong ika-10 ng Enero ang dapay sana ay kanyang mga labi at agad na nadiskubre ng pamilya na hindi si Alvarado ang naiuwi mula Kuwait.
Tiniyak na rin ni Cacdac sa pamilya na mabibigyan sila ng autopsy report na magagamit kapag sila ay naghabol pa ukol sa pagkamatay ng OFW.
Bukas inaasahan na dadating sa bansa ang mga labi ni Alvarado.