‘Radio challenge’ ginawa ng PCG sa China vessels sa Zambales
METRO MANILA, Philippines —Ilang beses na nagsagawa ng “radio challenge” ang Philippine Coast Guard (PCG) sa China Coast Guard (CCG) vessels na namataan sa dagat ng Zambales.
Ito ang ibinahagi ni Commodore Jay Tarriela, PCG spokesperson for West Philippine Sea, at aniya ilang beses na pinaalahanan ng kanilang BRP Teresa Magbanua ang Chinese vessels na sila ay nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Aniya pinagsabihan ang Chinese vessels na kailangan na nilang umalis sa dagat na sakop ng Zambales.
BASAHIN: Chinese vessels dumami sa WPS, ayon sa Philippine Navy
Ayon kay Tarriela ang mga banyagang sasakyang pandagat ay namataan sa distansiyang 70 nautical miles hanggang 80 nautical miles mula sa dalampasigan ng Zambales.
Kamakalawa, namataan ng PCG ang CCG-3013 na naglalayag patungo ng Zambales at pinaniwalaan na ito ang papalit sa CCG-5901 o ang tinaguriang “Monster Ship” ng CCG.
Ang dambuhalang barko ng CCG ay unang namataan malapit sa Capones Island sa Zambales noong ika-4 ng Enero.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.