METRO MANILA, Philippines — Kinalampag ng may 300 mangingisda ang Korte Suprema sa desisyon na “unconstitutional” ang deklarasyon ng “municipal waters” kung saan sila naghahanapbuhay.
Kasabay ng kilos protesta ng Katipunan ng mga Kilusan ng Artisanong Mangingisda sa Pilipinas (KKAMPI) at NGOs for Fisheries Reform (NFR) ang paghahain nila ng petition to intervene sa Korte Suprema.
Pinalagan ng mga mangingisda ang pagpapatibay ng 1st Division ng Korte Suprema sa hatol ng Malabon Regional Trial Court Branch 170 na nagdeklarang labag sa Saligang Batas ang pagdeklara sa “municipal waters” dahil sa kabiguan ng Bureau of Aquatic Resources (BFAR) na maghain ng apila.
BASAHIN: West Philippine Sea nahagíp ng fishing ban ng China sa SCS
Nabatid ng Radyo Inquirer na inihain ng BFAR ang kanilang apila sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) noong ika-4 ng Enero 2024, ngunit ang taning na ibinigay ng korte ay ika-11 ng Disyembre 2023.
Ayon sa mga mangingisda, bunga ng desisyon maari nang mangisda maging ang commercial fishing vessels sa loob ng 15-kilometer municipal waters kayat lubhang maaapektuhan ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda.
Bukod dito, posible rin na magbunga ito nang pagkasira ng mga yamang-dagat at “overfishing.”
“Hiling namin na itama ng Korte Suprema ang itama ang naunang desisyon at itaguyod ang karapatan at kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda,” sabi ni Mayette Rodriguez, executive director ng KKAMPI.