Tolentino inihirit ang simpleng earthquake advisory ng Phivolcs
METRO MANILA, Philippines — Hiniling ni Sen. Francis “Tol” Tolentino na gawin pang mas simple ang mga ginagamit na terminolohiya at babala kaugnay sa lindol.
Naniniwala si Tolentino na ang paggamit ng mas simpleng salita at paliwanag ay makakaligtas ng mga buhay.
“Maraming lokal na salita na magagamit para mas maintindihan ng karaniwang tao kung ano ang lindol. Makakatulong din ito sa paghahanda, pagpa-plano at pagtugon. Ang epektibong komunikasyon tuwing may kalamidad ay makakaligtas ng mga buhay,” idiniin nito.
BASAHIN: Tolentino: Pagdagsa ng migratory birds pag-aralan para iwas bird strike
Ipinarating ng senador ang kanyang kahilingan kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Dr. Teresito Bacolcol nang magkausap silang dalawa.
Unahin aniya na ipaliwanag ang kahulugan at kaibahan ng “magnitude” sa “intensity” at gamitin na lang ang mga salitang pag-uga, pagyanig, paggalaw at paglindol.
Ibinahagi naman ni Bacolcol na sa ngayon ay may programa ang Phivolcs, ang “Danas,” na ang layon ay mapadali ang ilan sa mga terminolohiya at babala na madalas gamitin ng ahensya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.