Tolentino: Pagdagsa ng migratory birds pag-aralan para iwas bird strike
Nanawagan si Senador Francis “Tol” Tolentino sa mga awtoridad na pag-aralan ang epekto ng climate change sa pagdami ng migratory birds sa Pilipinas.
Katuwiran ni Tolentino, napakahalaga nito para maiwasan ang “bird strike” sa palipad o palapag na eroplano sa bansa.
Pagdidiin ng senador, delikado ang bird strike dahil maaari itong magdulot ng trahedya sa himpapawid at paliparan.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines spokesman Eric Apolonio, nagpapatuloy ang kanilang pag-aaral para maiwasan ang bird strike kasabay na rin nang pagdami ng migratory birds malapit sa mga paliparan.
“Dapat ma-monitor natin ang anumang pagbabago sa pattern at bilang ng migratory birds,” bilin ni Tolentino kay Apolonio.
Sabi ng senador, ilang kilometro lamang ang layo ng Freedom Island, isang bird sanctuary sa Manila Bay, sa Ninoy Aquino International Airport.
Hindi isinasantabi ang posibilidad na bird strike ang dahilan ng pagbagsak ng Jeju Air flight 2216 sa Muan International Airport sa South Korea.
Bago lumapag ang eroplano ay nakatanggap ito ng “bird strike warning” mula sa airport control tower.
Nasawi sa trahedya ang 179 pasahero at crew ng eroplano.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.