Ngayon ginugunita sa bansa ang ika-128 anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal at hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sambayanang Filipino na tularan ang pagiging makabayan ng pambansang bayani.
Pinangunahan ng punong ehekutibo ang pag-aalay ng mga bulaklak sa bantayog ni Rizal sa Luneta Park ngayong umaga.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Marcos ang mga Filipino na isapuso ang mga pangaral at bilin ni Rizal na naging mitsa para ipaglaban ng ating mga ninuno ang kalayaan ng bansa.
Pinatunayan aniya ng pambansang bayani na maaaring magsimula ang pagbabago sa bawat isa kung paninindigan ang katotohanan.
Sinabi pa ni Marcos na ang bawat Filipino ay maaaring mag-ambag sa positibong pagbabago sa pamamagitan ng pagsisilbi sa kapwa at komunidad at edukasyon base sa mga pinandigan ng pambansang bayani.