METRO MANILA, Philippines — Tiwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mamayani ang kapayapaan at pagmamahalan sa sambayanan ngayon Kapaskuhan.
Sa kanyang mensahe ngayon Araw ng Pasko, sinabi niya na napakahalaga nito sa paniniwala ng mga Filipino dahil sa pagkakataong ito lubos na nararamdaman ng mamamayan ang presensiya ng Panginoong Diyos.
Ngayon aniya ay panahon ng kasiyahan, mabuting pakikipag-kapwa tao at pasasalamat.
Dindagdag pa niya na ang pagsilang ng Hesu Kristo ay hindi lamang para sa mga Katoliko kundi nagdudulot din ito ng kasiyahan at ipinagpapasalamat ng mga ibang relihiyon.
BASAHIN: Marcos pipirmahan 2025 national budget sa Disyembre 30 – Palasyo
Umaasa si Marcos na ngayon Kapaskuhan ay makakasama ng bawat isa ang kanilang pamilya upang sama-samang ipagdiwang ang mga natanggap na biyaya.
Ito aniya ang panahon pa na rin para magnilay-nilay ang mga Filipino sa tunay na kahulugan at diwa ng Pasko, ang relasyon sa Diyos at sa kapwa tao.
Hinikayat din ni Marcos ang lahat na makibahagi sa kanyang pangitain para sa “Bagong Pilipinas.”