METRO MANILA, Philippines — Pagpasok ng 2025 ay matatanggap na ang bawa kawani ng gobyerno ang P7,000 na medical allowance.
Ito ang inanunsiyo ni Budget Secretary Amenah Pangandaman at aniya kasama sa mga makakatanggap ang mga pampublikong guro.
Inilabas ni Pangandaman ang Budget Circular No. 2024-6 para sa mga alintuntunin sa pagbibigay ng taunang medical allowance sa mga kawani ng gobyerno alinsunod naman sa Executive Order No. 64 na inilabas ng Office of the President noong nakaraang Agosto.
BASAHIN: Marcos dinagdagan yearend ‘tip‘ ng JOs, contractuals sa gobyerno
Mabibigyan ng medical allowance ang mga kawani ng mga ahensiya ng pambansang gobyerno, kasama na ang mga nasa state universities at colleges, maging ang mga nasa korporasyon ng gobyerno.
Sakop ng benepisyo hindi lamang ang mga regular na kawani, kundi maging ang mga casual, contractual, naitalaga o nahalal at ang mga nasa full-time o part-time basis na nakapag-trabaho na ng anim na buwan o higit pa.