METRO MANILA, Philippines — Hinigpitan ng husto ang seguridad sa loob at labas ng Senate compound sa Pasay City bunga ng bomb threat sa social media kahapong Martes.
Sa labas ng Senado dinagdagan ang mga itinalagang tauhan ng Southern Police District.
Naging mabusisi din ang inspeksyon sa mga dalang gamit at sasakyan ng mga pumapasok na compound kahit kawani pa ng Senado.
BASAHIN: Ilang ahensiya ng gobyerno, eskuwelahan inulan ng “bomb threats”
Ang pinahigpit na seguridad ay kinumpirma ni Senate President Francis Escudero.
Ipinaalam na rin sa kanya ang bomb threat post ng isang netizen sa official social media account ng Senado.
Aniya bagamat hindi maituturing na credible ang banta mabuti nang higpitan ng husto ang seguridad sa Senado.
Sinabi naman ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na ikinukunsiderang “prankster” ang nag-post ng bomb threat dahil may katulad na post din ito sa ibang social media page.