METRO MANILA, Philippines — Mula sa Ninoy Aquino International Airport (Naia) Terminal 3, idiniretso na nitong Miyerkules sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City si Mary Jane Veloso.
Lumipad mula sa Soekarno-Hatta International Airport sa Jakarta, Indonesia 12:05 a.m. ng madaling araw ang Cebu Pacific flight 5J 760 na sinakyan ni Veloso at lumapag sa Pilipinas 5:51 a.m.
Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Pio Catapang na hindi na pinosasan sa loob ng eroplano alinsunod na rin sa Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners ng First United Nations Congress on the Prevention of Crime and the Treatment of Offenders.
BASAHIN: Mary Jane Veloso sasailalim sa 5-day quarantine sa kulungan
Tiniyak din ni Catapang na mabibisita si Veloso ng kanyang pamilya ngayon Kapaskuhan at kailangan lamang nitong sumailalim sa komprehensibong medical at physical examination.
Inaresto noong 2010 sa Indonesia si Veloso dahil sa bitbit na 2.6 kg ng heroin sa kanyang bagahe at agad din nasentensiyahan ng parusang kamatayan sa kasong drug trafficking.