Binay: Comelec, susuportahan ng Senado sa isyu sa ‘voter’s surge’

PHOTO: Nancy Binay
Sinabi ni Sen. Nancy Binay na dapat ay kasuhan ang mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng barangay certification ng walang beripikasyon, (Senate PRIB photo)

Tiniyak ni Senador Nancy Binay sa Commission on Elections (Comelec) ang suporta ng Senado sa pagsasampa ng mga kasong kriminal at administratibo kaugnay sa kadudadudang pagdami ng mga rehistradong botante sa ilang barangay.

Pinangunahan ni Binay ang pagdinig ng Senate electoral reforms at local government committees ukol sa Senate Resolution No. 1228 o ang Indiscriminate Issuance of Barangay Certifications.

Ayon kay Binay, maaaring abusuhin ang barangay certification ng “ghost voters” at iba pang korapsyon na magiging daan para pagdudahan ang gobyerno.

Diin niya, nakataya ang integridad ng halalan sa bansa sa naturang isyu.

Binanggit din ng senadora ang mga punong barangay na maaaring sampahan ng mga kasong kriminal at administratibo dahil sa pagbibigay ng barangay certification nang hindi bineberipika kung tunay na residente ng lugar ang humingi ng sertipikasyon.

Giit ni Binay, napakahalaga na maayos ang anumang butas sa batas upang hindi maabuso ito.

Unang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na pinapayagan ang barangay certificate bilang patunay ng pagiging residente ng lugar sa kawalan ng ibang pagkakakilanlan o identification cards.

Read more...