METRO MANILA, Philippines —Wala dapat epekto sa pagbibigay ng mga serbisyo at pagkasa ng mga programa ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang hindi pagbibigay ng subsidiya para dito.
Inihayag ito ni Senate President Escudero nitong Huwebes bunsod ng mga pangamba na maapektuhan ang operasyon ng ahensiya dahil wala ng inilaan na subsidiya na nilaan para dito sa pambansang pondo sa 2025.
Idiniin ng senador na may P600 bilyong nakareserbang pondo ang ahensiya kayat hindi na ito binigyan pa ng subsidiya mula sa gobyerno.
BASAHIN: PhilHealth may P500B para sa benepisyo ng mga miyembro – Recto
Dapat din aniya ay gamitin na ng PhilHeath ang pondo dahil bababa ang halaga nito bunga ng inflation.
Ipinaliwanag ni Escudero na sa apat na porsiyentong inflation, P24 bilyon ang mawawalang halaga sa P600 bilyong reserbang pondo ng PhilHealth.
Unang napaglaanan ng P74 bilyong subsidiya ang Philhealth sa 2025 National Expenditure Program (NEP) ngunit inalis ito ng mga mambabatas.