MMDA itinanggi ang ‘mall-wide sale’ ban

Pinabulaanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga ulat kaugnay sa pagbabawal sa “mall-wide sales” ngayon Kapaskuhan para maibsan ang matinding trapiko.

Iginiit ni Victor Maria Nunez ng MMDA sa pagdinig ng Senate Public Services Committee, na noong Oktubre 17 nakipag-usap si MMDA Chairman Don Artes sa mall operators na kung maaari ay magbukas ng alas onse ng umaga at magsara kahit hanggang hatinggabi mula Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25.

Bukod dito, napagkasunduan din sa pulong na ang pag-deliver sa mga mall ay magsimula ng alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw.

Dagdag pa ni Nunez na napagkasunduan sa pulong na hindi sabay-sabay na magpapatupad ng “holiday sales” ang mga mall.

Kasabay nito, umapila rin ang MMDA sa mall operators na abisuhan ang ahensya dalawang linggo bago ang ikakasang “mall-wide sale” para naman sa ipapatupad na traffic management plan.

Read more...