METRO MANILA, Philippines — Inamin ni Sen. Joel Villanueva na pabor siya na dagdagan ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Ayon kay Villanueva, may pito pang kapwa niya senador ang nais na madagdagan ang naaprubahang P733 milyong pondo para sa opisina ni Vice President Sara Duterte.
Katuwiran ng mga senador, sabi pa ni Villanueva, hindi sapat ang P733 milyon para sa operasyon ng OVP.
BASAHIN: 2025 OVP budget balak pataasin ng ilang senador – Zubiri
Kabilang aniya sa kanilang iniintindi ay ang mga mawawalan ng trabaho sa OVP dahil sa maliit na pondo.
Humingi ng P2.03 bilyong pondo ang OVP para sa 2025 ngunit tinapyasan ito ng husto sa Kamara at sumang-ayon na lamang ang Senado.
Sinabi ni Sen. Grace Poe, ang namumuno sa Senate finance committee, na ilang beses nilang hiningi ang mga dokumento ng mga pinagkagastusan ng OVP ng kanilang pondo ngayon taon ngunit walang naisumite sa kanila.
Nabanggit ni Villanueva na sa kanyang bahagi nais niyang madagdagan ng P150 milyon ang naaprubahang pondo ng OVP.