PBBM pinaarangkada biyahe ng LRT 1 Cavite extension project Phase 1

Kabilang si Pangulong Marcos Jr., at Transportation Sec. Jaime Bautista sa mga unang pasahero ng biyahe ng LRT 1 mula Baclaran hanggang Dr. Santos Avenue sa Parañaque City. (PCO Photo)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagpapasinaya sa Phase 1 ng Light Rail Transit Line 1 – Cavite Extension project ngayon araw sa Parañaque City.

Tiwala si Marcos Jr., na magkakaroon ng alternatibong maayos, mabilis at komportableng transportasyon ang mga residente ng Katimugang Kalakhang Maynila.

Tinataya na madadagdagan ng 80,000 ang pasahero ng LRT 1. Inaasahan din mababawasan ng isang oras ang biyahe mula Quezon City hanggang Parañaque City.

Kapag natapos ang kabuuan ng proyekto, ang biyahe mula Baclaran hanggang Bacoor City sa Cavite ay tatagal na lamang ng 25 minuto mula sa kasalukuyang isang oras at 10 minuto.

Binubuo ng limang karagdagang istasyon ang Phase 1 mula Baclaran hanggang Dr. Santos Avenue, ito ang Redemptorist-ASEANA Station, MIA Road Station, Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station.

Read more...