METRO MANILA, Philippines — Inilabas na ng Malacañang ang Executive Order (EO) No. 74 na nagbabawal sa Philippine offshore gaming operation (POGO) at iba pang offshore gaming operations, kasama ang nasa online, sa bansa.
Pinagtibay nito ang naunang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hanggang katapusan ng 2024 na lamang ang operasyon ng POGO sa bansa.
Ang EO ay inilabas at pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin at may petsa ito noong ika-5 ng Nobyembre.
Nakasaad dito ang kagustuhan ni Marcos na pangalagaan ang pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko, at kaayusan sa lipunan.
BASAHIN: Masusunod ang POGO total ban na utos ni Marcos – Pagcor
BASAHIN: 41 na POGO handang lumayas ng Pilipinas – DOJ chief
Bukod sa POGOs, sakop din ng EO ang Internet Gaming Licensee (IGLs) at iba pang gaming operations na iniaalok sa mga banyagang nagsusugal sa labas ng Pilipinas, gaya ng e-casino, online number games at online sports betting.
Hindi naman sakop ang ang online games ng Philippine Amusement Gaming Corp. (Pagcor) at licensed casinos.
Magugunita na sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo, inanunsiyo ni Marcos Jr., na hanggang sa darating na ika-31 ng Disyembre na lamang ang operasyon ng POGOs.