METRO MANILA, Philippines —Taliwas sa ipinangakong matatapyasan ang presyo ng bigas ang nangyayari sa pagpapapababa ng taripa.
Ito ang isinumbat ni Sen. Imee Marcos nitong Miyerkules sa pagpapatuloy ng deliberasyon sa Senado sa panukalang 2025 General Appropriations Act na nagkakahalaga ng P6.352 trillion.
Ipinunto ni Marcos na mula sa 5.7 porsiyento umangat pa sa 9.6 porsiyento ang inflation sa bigas at nangyari ito sa kabila nang pagbaba sa 15 porsiyento mula sa 35 porsiyento na taripa sa imported rice.
BASAHIN: Senate bill papayagan DA chief na magdeklara ng rice shortage
Pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) 62 na nagbababa sa taripa sa bigas na ang layunin ay bumaba ang presyo ng butil sa mga merkado.
Hiniling ng senadora ang paliwanag ng mga ekonomista sa gobyerno sa baligtad sa inaasahan na epekto nang pagtapyas sa taripa.
Inamin naman ni Sen. Grace Poe, ang namumuno sa Senate Finance Committee, ang datos na inilatag ni Marcos ngunit aniya ito ay bahid lamang sa tunay na layon ng EO 62.
Pagbabahagi pa ni Poe na ngayon buwan ay isusumite sa Malakanyang ang buong ulat ng epekto ng pagpapatupad ng nabanggit na kautusan ng pangulo.