METRO MANILA, Philippines — Handa si dating Pangulong Rodrigo Duterte na akuin ang lahat ng responsibilidad sa ikinasang kampaniya kontra droga ng kanyang administrasyon.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee na pinamumunuan ni Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III, dinipensahan ni Duterte ang mga naging hepe ng pambansang pulisya sa anim na taon niyang termino.
Humarap sa pagdinig sina retired Police Generals. Archie Gamboa, Debold Sinas at Vicente Danao, gayundin si dating Dangerous Drugs Board Chairman Catalino Cuy.
BASAHIN: Rodrigo Duterte isinangkot sa pagpatay sa 3 Chinese drug lords
Pinamunuan nina Gamboa, Sinas at Danao ang PNP at si Cuy at si Danao ay naging director ng Davao City Police gayundin si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Ikinatuwiran ni Duterte sa kanyang pakiusap sa mga senador na huwag ng idamay ang mga opisyal dahil sumunod lamang ang mga ito sa mga utos.
“I and I alone, take full legal responsibility sa lahat ng nagawa ng mga pulis pursuant to my order. Ako ang managot at ako ang makulong. ‘Wag ang pulis na sumunod sa order ko. Kawawa naman, nagtatrabaho lang,” sabi ni Duterte.
Nagpahayag din ng kahandaan si Duterte na dumalo muli sa susunod na pagdinig kung muli siyang ipapatawag at sasagutin niya ang lahat ng mga itatanong sa kanya.
May mga pagkakataon naman na sa mga pagtatanong sa kanya ay idinahilan ng dating pangulo ang kanyang edad na 73 at aniya may mga sakit na rin siya.