METRO MANILA, Philippines — Walang katuturan at brutal. Ito ang pagsasalarawan ni Sen. Juan Miguel Zubiri sa pagkakapatay sa hazing kay Grade 11 student Ren Joseph Bayan sa Jaen, Nueva Ecija noong Linggo ng hapon.
Sumailalim diumano sa initiation rite ng Tau Gamma Phi fraternity ang 18-anyos na biktima.
“Bilang isang magulang, napakasakit po ang mawalan ng anak sa walang katuturang karahasan. Ilang pamilya pa ba ang magluluksa at magdadalamhati dahil sa kasumpa-sumpang tradisyon na ito?” sabi ni Zubiri nitong Martes.
BASAHIN: Sen. Nancy Binay kinondena ang hindi na maputol na frat hazing
Inalala ng senador na naipasa ang isinulong niyang Anti-Hazing Act of 2018 dahil sa pagkamatay noong 2017 ni Atio Castillo dahil din sa hazing sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity ng University of Santo Tomas College of Law.
Idiniin ni Zubiri na hindi na dapat pang kunsintihin at protektahan ang mga fraternity na gumagawa ng karahasan sa ngalan ng kapatiran.
Kasabay nito, nagpahatid na rin ng mensahe ng pakikiramay si Zubiri sa pamilya ni Bayan.