P10.5-B budget ng OP lusot sa 10 minuto sa Senate panel
METRO MANILA, Philippines —Sampung minuto lamang na nanatili ang mga opisyal at tauhan ng Office of the President (OP) sa harap ng Senate finance committee para makalusot ang panukalang P10,5 bilyong pondo ng tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa susunod na taon.
Sandaling nagsalita lamang si Executive Sec. Lucas Bersamin at aniya ang pondo ng OP ay para maikasa ang nakapaloob sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Nabanggit din niya na ang hinihinging pondo ng OP ay mababa ng 1.8 porsiyento kumpara sa naaprubahang pondo ngayon taon.
BASAHIN: 2025 budget ni VP Duterte itinulad sa 2022 budget ni VP Robredo
“Marapat lamang na ipagpatuloy ang masigasig na pagpapatupad ng mga ito at ang masusing pangangasiwa at koordinasyon ng ibat-ibang kagawaran ng pamahalaan,” sabi pa ni Bersamin.
Matapos magsalita ni Bersamin, nagpahayag ng kanyang suporta sa panukalang pondo si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at nag-mosyon ito na maaprubahan na ang pondo, na sinegundahan naman ni Sen. Nancy Binay.
Matapos ang pagdinig, sinabi ni Estrada na wala siyang nakikitang dahilan para hindi rin agad makalusot sa plenaryo ang pondo ng opisina ni Marcos Jr.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.