Bureau of Immigration, imomonitor na ang limang “Narco Generals”

PNP-execs-0706 (1)Imomonitor ng Bureau of Immigration o BI ang galaw o posibleng pag-alis sa bansa ng limang heneral ng Philippine National Police o PNP na pinangalanan at ini-ugnay ni President Rodrigo Duterte sa ilegal na droga.

Ayon kay Tonette Bucasas-Mangrobang, tagapagsalita ng BI, inatasan na ang lahat ng mga immigration officer sa lahat ng mga pantalan at paliparan sa buong bansa na pairalin ang departure protocols.

Sinabi ni Mangrobang gaya ng ibang mga umaalis ng bansa na kailangang mayroon munang travel authority, mahigpit aniyang ipatutupad ito para sa limang heneral.

Pero agad nilinaw ni Mangrobang na walang pang Hold Departure Order o HDO na iniisyu ang BI laban sa limang kontrobersyal na PNP officials.

Noong nakalipas na linggo, isiniwalat ni Pangulong Duterte na batay sa mga impormasyon at ebidensya na kanyang nakalap, may kaugnayan umano sa illegal drugs trade sina PNP Deputy Director General Marcelo Garbo Jr., former National Capital Region Police Office chief Director Joel Pagdilao, Western Visayas regional director Chief Supt. Bernardo Diaz, Quezon City Police District director Chief Supt. Edgardo Tinio, at retired police general Vicente Loot.

Samantala, kinumpirma ni Mangrobang na sinusuri na ng BI ang mga record ng isang Peter Lim, na ayon kay Presidente Duterte, ay isang drug-lord.

Ani Mangrobang, nasa apat na libong pangalan na ang nacheck ng BI.

Handa rin aniya ang BI na makipag-tulungan sa PNP lalo na sa mga impormasyon hinggil sa mga suspected drug lord.

 

Read more...