PNP tracker teams binuo para sa Harry Roque manhunt
METRO MANILA, Philippines — Ipinagutos ng hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Gen. Rommel Francisco Marbil ng pagbuo ng tracker teams na hahanap kay dating presidential spokesman Harry Roque matapos maglabas ang Kamara ng arrest warrant laban sa kanya.
Aniya, pangungunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tracker teams at ang mga ito ang magsisilbi ng arrest warrant na inilabas ng House quad committee na iniimbestigahan ang drug war ng Duterte administration at mga Philippine offshore gaming operators (POGOs).
Ayon kay Marbil, humingi ng tulong sa PNP ang Kamara para maipatupad ang kautusan na arestuhin si Roque.
BASAHIN: Seryoso ang pag-ugnáy kay Roque sa illegal POGO hub – Escudero
Ikinatwiran pa ni Marbil na bahagi ito ng mandato ng PNP at isa itong pagrespeto sa mga institusyon ng gobyerno.
Nagtungo na ang mga tauhan ng CIDG sa dalawang tirahan ni Roque sa Metro Manila ngunit nabigo sila.
Ipinag-utos ang pag-aresto kay Roque dahil sa hindi pagsipot sa pagdinig sa Kamara at dahil sa kabiguan nito na isumite ang mga hininging dokumento ng komite.
Sinabi naman ni Roque na ilegal ang naturang kautusan ng komite.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.