METRO MANILA, Philippines — Nakasubaybay ang gobyerno ng Estados Unidos sa mga kaganapan na may kaugnayan sa kinahaharap na mga kaso ni Apollo Quiboloy sa Pilipimas.
Ito ang ibinahagi ni Philippine Ambassador to US Jose Manuel “Babe” Romualdez, at aniya ang pagtutok ng US, partikular na ang Federal Bureau of Investigation (FBI), ay nagsimula nang maaresto si Quiboloy mahigit isang linggo na ang nakakalipas.
Nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa sex at labor trafficking sa US si Quiboloy, ang founder ng Kingdom of Jesus Christ (KJC), at kabilang siya “most wanted persons” ng FBI mula pa noong 2021.
BASAHIN: Quiboloy, 4 na KJC members ‘not guilty’ ang plea sa trafficking
BASAHIN: Quiboloy lilitisin, makukulong muna sa Pilipinas bago sa US – DOJ
Nilinaw naman ni Romualdez na inirerespeto ng US ang sistemang pang-hustisya sa Pilipinas at alam nila na kailangan na pagsilbihan ni Quiboloy sa bansa ang anumang magiging hatol sa kanyang mga kasong qualified human trafficking at child abuse.
Aniya ang extradition o pagpapadala kay Quiboloy sa US ay maaring mangyari pagkatapos ng kanyang sentensiya.
Unang hiniling ng kampo ni Quiboloy na huwag siyang ibigay sa US.
Ito ay naiintindihan naman ni Romualdez sa pagsasabing iba ang hustisya sa mga kulungan sa US sa mga nang-abuso ng mga bata.