METRO MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Biyernes na walang ipinalit na detenido ang Pilipinas sa Indonesia para maibalik sa bansa si dating Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.
Unang napaulat sa Indonesia na may hiling ang kanilang mga awtoridad na ipalit si Guo sa Australian drug-suspect na si Gregor Haas, na itinuturing na pugante sa naturang bansa.
Sinabi ni Marcos na ang magandang relasyon ng Pilipinas at Indonesia ang susi sa mabilis na pagpapabalik sa bansa ni Guo.
BASAHIN: Alice Guo inaresto na ng mga awtoridad sa Indonesia
πKaya’t kahit na hindi ganoon ka-simple ang pag-transfer, ating napakiusapan naman ang ating mga kaibigan sa Indonesia na pabayaan na ang Pilipinas, kunin na siya [Guo] at ibalik dito sa Pilipinas,” sabi pa ni Marcos.
Dagdag pa niya na hindi opisyal ang mga naglabasang ulat sa Indonesia ukol sa “prisoners’ swap” nina Guo at Haas.
Naibalik sa Pilipinas ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac, halos 24 oras matapos siyang maaresto ng mga awtoridad sa Jakarta.
Nagpahayag din ng interes si Marcos na isiwalat ni Guo kung paano lumago ang operasyon ng POGO hubs na iniuugnay sa kanya, kung paano lumago ang kanyang kayamanan, at bakit siya nagka-interes na tumakbo sa lokal na eleksiyon sa Bamban noong 2022.