METRO MANILA, Philippines — Hindi nalalayong mailipat sa ordinaryong kulungan si Shiela Guo kung magpapatuloy ang kanyang pagtatago ng buong katotohanan sa pagdinig ng Senado.
Ito ang tiniyak ni Sen. Sherwin Gatchalian nitong Huwebes matapos hingian ng reaksyon ukol sa mabilis na pagbaligtad ni Cassandra Ong sa pagdinig sa Kamara.
Malinaw na sumagot si Ong sa tanong ng mga kongresista nang magpahiwatig si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na maaari itong mailipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
BASAHIN: Shiela Guo nasa kustodiya na ng Senado
Ayon kay Gatchalian marami nang pagkakataon na inilipat sa Pasay City Jail ang mga nakulong sa Senado matapos ma-cite for contempt dahil sa pagsisinungaling o hindi pagsasabi ng buong katotohanan.
Sinabi ng senador na sa naging testimoniya ni Shiela Guo sa pagdinig noong nakaraang Martes kapansin-pansin na hindi kapani-paniwala ang marami sa kanyang mga ibinahagi at marami din butas ang kanyang salaysay.
Umaasa siya na magiging iba na ang pag-kuwento nito sa pagdinig sa Lunes, ika-2 ng Setyembre.