METRO MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng bagong 255 kaso ng leptospirosis noong ika-21 ng Hulyo hanggang ika-3 ng Agosto.
Ang bilang, ayon sa DOH, ay mataas ng 17% kumpara sa naitalang 217 kaso noongn ika-7 hanggang ika-20 ng Hulyo.
Simula noong Enero, nakapagtala na ng 2,115 kaso ng leptospirosis sa bansa at 224 ang namatay sa naturang sakit.
BASAHIN: Kaso ng leptospirosis sa Quezon City, tumaas ng 108.27%
Ang bilang, dagdag pa ng DOH, ay mababa ng 23% kumpara sa naitala sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Kabilang naman sa mga sintomas ng sakit ay lagnat, panginginig, sakit ng ulo at katawan, pagsusuka, diarrhea, pananakit ng tiyan, pamumula ng mga mata, at rashes.
Nagpaalala ang kagawaran na agad komunsulta sa doktor kapag nakaranas ng mga sintomas ng sakit matapos lumusong sa baha.