METRO MANILA, Philippines — Upang lubos na mapagtibay at mapalawak nag mga batas at programa para sa mga lolo at lola sa bansa, inihain sa Kamara ang panukalang Magna Carta of Senior Citizens.
Ang House Bill No. 10739 ay inihain nina Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ordanes at Laguna 3rd District Rep. Loreto Amante.
Ipinaliwanag ng dalawang mambabatas na layunin ng kanilang panukala na mas maging malinaw ang mga karapatan, pribilehiyo, at proteksyon sa mga Filipino na nasa edad 60 pataas.
BASAHIN: Senior citizens’ cash gifts isasama na sa 2025 national budget
Ayon kay Ordanes mangangahulugan ito ng mas magandang serbisyong pangkalusugan, karagdagang social protection benefits, at ibayong suporta sa patuloy na pakikibahagi ng senior citizens sa kanilang komunidad.
Nabanggit ng mambabatas na base sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2022 ang bilang ng senior citizens ay 8.5% ng kabuuang populasyon sa bansa.
Samantala,naghain din ng panukala si Ordanes para naman sa mga programa at benepisyo ng mga nagbabalik-bansa na senior overseas Filipino workers (OFWs).
Sa inihain niyang House Bill No. 10705 , nais nito na mapabilang ang pagbibigay social protection sa OFWs na nasa edad 60 pataas alinsunod na rin sa Philippine Development Plan 2023-2028.
Dapat aniya magkaroon ng komprehensibong programa para sa returning senior OFWs kasama na ang pagbibigay sa kanila ng health at economic assistance.
Pagkikilala na ito aniya sa napakalaking naimbag nila sa ekonomiya ng bansa ng maraming taon.