METRO MANILA, Philippines — Nag-aalala si Sen. JV Ejercito na nagbigay ng pangit na impresyon sa mundo ang pagpuna ni Vice President Sara Duterte sa administrasyong ni President Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa pahayag ni Ejercito nitong Huwebes, ang kinahaharap na mga problema ng bansa ay hindi masosolusyonan sa loob ng dalawa o tatlong taon.
Hindi aniya mawawala ang mga isyu sa isang iglap lamang.
BASAHIN: Birò lang ‘designated survivor’ remark ni VP Duterte – Escudero
Dagdag pa ni Ejercito, nalulungkot siya na tila may lamat na ang UniTeam nina Marcos at Duterte dahil maaring magbigay ito ng impresyon sa ibang mga gobyerno na hindi maayos ang sitwasyong pulitikal sa Pilipinas.
Ito aniya ay maaring pagpapakita na hindi nagkakaunawaan ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Sa kabila, nito, umaasa si Ejercito na hindi mamasamain ni Marcos ang mga banat ni Duterte na may mga opisyal sa kasalukuyang gobyerno na hindi tapat at nagpapabaya sa kanilang mga tungkulin.
Samantala, sinabi nanman ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na maaring makabuti kung magbibigay din ng kanyang kontra-State of the Nation Address (SONA) si Duterte.