METRO MANILA, Philippines — Sinampahan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ng ibat-ibang kaso sa Central District Court of California sa Estados Unidos ang vlogger na si Maharlika.
Kasama ni Robles ang kanyang asawang si Sherwil sa kanyang mga reklamo laban kay Maharlika, na Claire Contreras sa tunay na buhay,
Mga kasong defamation, defamation per se, at invasion of privacy ang isinampa ng mag-asawa.
Ayon sa mag-asawang Robles, nagsampa sila ng mga kaso para pangalagaan ang pangalan, dignidad, at reputasyon ng kanilang pamilya.
BASAHIN: Cyber libel complaint ng Naga City mayor vs ex-VP Leni supporter, ibinasura
Nais din nilang matigil na ang pangha-harass at paninira sa kanila ni Maharlika sa online vlog nito na Boldyak TV.
Ayon sa kanila, kabilang lang sa mga paninira sa kanila ay ang akusasyon ng pagnanakaw ng pera ng taumbayan, pagkuha ng serbisyo ng mga hired killer, at pagtulong sa mga terorista.
Ayon kay Robles, wala sana silang plano na patulan si Maharlika, ngunit sa paglipas ng panahon ay naisip nila na wala itong balak na tumigil sa paninira sa kanila kayat gumawa na sila ng legal na hakbang.
Tinawag ng PCSO manager si Maharlika na “Fake News Queen” at aniya ito ay una na rin inireklamo nina Filipino international fashion designer Puey Quiñones at broadcast journalist Anthony Taberna dahil din sa paninira sa kanila sa pamamagitan ng online vlog.