METRO MANILA, Philippines — Tiwala ang Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) na hindi tataas ang presyo ng karne ng baboy kapag nabakunahan na ang mga hayop kontra African swine fever (ASF).
Sinabi ni Agap Party-list Rep. Nicanor Biones, na chairman din ng PPFP, na libre naman na ibibigay ng Department of Agriculture (DA) ang mga bakuna na magmumula sa Vietnam kayat walang dahilan para tumaas ang halaga ng karne ng baboy.
Aniya, paunang 600,000 baboy sa bansa ang mababakunahan, at ang bakuna ay nagkakahalaga ng hanggang P600 ang isa.
BASAHIN: P5 per kg bawas sa presyo ng bigás sa Agosto – Recto
Gumastos ang gobyerno ng P350 na milyon para sa mga paunang bakuna kontra ASF.
“Malaking tulong ito at matagal na pong hinihintay ng sektor ng pagbababuyan,” ani Briones.
Aminado si Briones na kapag ipinasa na sa mga hog raisers ang presyo ng bakuna makakaapekto ito sa presyo ng karne ng baboy.
Ngunit nilinaw niya na maaring mahikayat ang mga dating nag-aalaga ng baboy dahil sa bakuna at dadami naman ang suplay ng karne sa mga pamilihan kayat maaring hindi na tataas ang presyo nito.
Pinasalamatan na niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel sa tulong sa hog raisers.
Samantala, hiniling niya na ang isunod ng gobyerno na bigyan ng tulong ay ang mga nag-aalaga naman ng manok dahil sa bird flu.
Aniya, dapat din magkaroon ng bakuna ang mga pangitlugang manok at broiler para hindi maapektuhan ang suplay at presyo ng itlog at karne ng manok.