PhilHealth may P500B para sa benepisyo ng mga miyembro – Recto

PHOTO: Ralph Recto STORY: PhilHealth may P500B para sa benepisyo ng mga miyembro – Recto
Nilinaw ni Finance Secretary Ralph Recto sa Committee on Health nitong Martes, ika-30 ng Hulyo 2024 na hindi gagalawin ang kontribusyon ng mga PhilHealth member. | Kuha ni Jan Escosio, Radyo Inquirer

METRO MANILA, Philippines — Tiniyak ni Finance Secretary Ralph Recto sa Senate Committee on Health nitong Martes na may sapat na pondo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) para sa mga programa at benepisyo ng mga miyembro nito.

Sinabi ni Recto na may hawak na P500 na bilyon ang naturang government owned and controlled corporation (GOCC) na sobra-sobra para mapunan ang mga benepisyo at programa ng PhilHealth.

Sobra pa din aniya ang naturang halaga kahit tustusan ang mga bagong benepisyong medikal na inanunsiyo ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

BASAHIN: Ejercito nababahalà sa ‘unprogrammed fund’ mulâ sa Philhealth

Humarap si Recto sa pagdinig ng Senate Committee on Health at sinabi na tsismis at fake news ang mga kumakalat sa social media ukol sa paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa unprogrammed funds.

Sa katunayan aniya, patuloy na tatanggap ng subsidiya ng PhilHealth mula sa gobyerno at dadagdagan pa ito para sa pagpapagamot ng mga miyembro, partikular na ang mga may kanser.

Kasama pa aniya sa pagkakagastusan ang karagdagang gamot, na mula 21 ay naging 53, base sa kautusan ni Marcos kabilang ang mga gamot hypertension, nerve pain, et epileptic seizures.

Nilinaw din ng kalihim na hindi gagalawin ang kontribusyon ng PhilHealth members sa paglipat ng pondo at ang tanging gagalawin ay ang hindi nagamit na subsidiya ng gobyerno.

Binanggit na din ni Recto na isa siya sa mga awtor ng Universal Health Care Act, gayundin sa Doktor Para sa Bayan Act, at Regional Medical Center Act.

Read more...