METRO MANILA, Philippines — Hindi pa apektado ng oil spill ang mga nahuling isda sa Manila Bay na malapit sa apat na bayan at lungsod ng Bataan.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Martes, pumasa sa “sensory analysis” ang mga bagong huli at inilutong isda mula sa Balanga City at sa mga bayan ng Limay, Orion, at Samal.
Sa pahayag ng BFAR, magsasagawa pa ng mga karagdagang pagsusuri sa mga pribadong laboratoryo para matiyak na hindi kontaminado ng langis o grasa ang mga nahuhuling isda sa dagat malapit sa pinaglubugan ng MT Terra Nova.
BASAHIN: Tanker lumubog sa Manila Bay sa Bataan, nagsanhi ng oil spill
Wala pa rin ipinatutupad na fishing ban sa bahagi ng dagat na hindi apektado ng oil spill.
Hinikayat na rin ng BFAR ang mga mangingisda na agad iulat sa mga awtoridad ang mapapansin na langis sa dagat, umiwas sa mga kontaminadong lugar, agad hanguin ang mahuhuling isda o shellfish, at magsuot ng personal protective equipment hanggang maaari.
Tiniyak ng BFAR na ginagawa ang mga kinakailangang hakbang upang mabawasan ang epekto ng insidente sa pampublikong-kalusugan, bukod sa mga yaman-dagat.