METRO MANILA, Philippines — Hinakayat ng Civil Service Commission (CSC) ang mga ahensiya ng gobyerno na bigyan ng limang araw na special emergency leave (SEL) ang kanilang mga kawani na labis naapektuhan ng pananalasa ng Typhoon Carina at habagat.
Ipinaalala ni Civil Service Commisioner Aileen Lizada nitong Huwebes ang CSC Memorandum Circular No. 2 16 series of 2012 na may limang araw na SEL na maaring gamitin ng mga kawani ng gobyerno sa tuwing may kalamidad o sakuna.
Inilabas ang memo ukol sa SEL matapos ang pananalasa ng Typhoon Ondoy noong 2009, kung kailan higit 710 na katao ang namatay.
BASAHIN: State of calamity idineklara sa Metro Manila dahil sa Carina
BASAHIN: Wala pa rin pasok sa Senado dahil sa Typhoon Carina
Ipinnaliwanag ni Lizada na ang paggamit ng SEL ay base sa deklarasyon ng pangulo ng bansa ng state of calamity o ng konseho ng lokal na pamahalaan alinsunod sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Ito ay magagamit sa loob ng 30 araw matapos ang kalamidad.
Idineklara na nitong Huwebes ang state of calamity sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Cainta sa Rizal, at Baco sa Oriental Mindoro.