METRO MANILA, Philippines — Nasa kamay na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kapalaran ng manggagawà ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) hub, sabi ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kanyang pahayág noóng ika-11 ng Hulyo.
Ayon kay Revilla, maaaring hawak na ni Marcos ang lahát ng mga impormasyón na may kaugnayan sa operasyón ng mga POGO sa bansâ kayat maaarì na siguro siyáng magdesisyón sa mga panawagan na ipatigil na ang naturang negosyo sa bansâ.
Aniya, base naman sa mga nakuha niyáng datos, makakabuti na mawalâ na ang mga POGO.
“Susuportahan po natin ang magiging desisyón ng adminstrasyón sa kapalaran ng mga POGO,” sabi ni Revilla.
“Dapat lang masiguro ng gobyerno ang magiging kalagayan at transition ng mahigit-kumulang 20,000 Filipino workers sa mga POGO na madi-displace para matiyak na sila’y patuloy na magkakaroón ng trabaho,” idinagdag pa niyá.
Samantala, napabilang na si Sen. Sherwin Gatchalian sa mga senadór na umaasa na maririníg sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos ang hatol niyá sa mga POGO.
Todo ang pagkontra ni Gatchalian sa mga POGO dahil sa mga krimén na inuugnay dito, bukód pa sa hindí namán itó lubós na nakakapag-ambág sa ekonomiya ng bansâ.