METRO MANILA, Philippines — Naghain ng reklamong plunder o pandarambong si dating Sen. Antonio Trillanes IV nitóng Biyernes laban kina dating Pangulong Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go.
Ayon kay Trillanes, ang kanyang reklamo ay base sa P6.5 na bilyong halagá ng mga kontrata sa ibat-ibáng proyekto na naibigáy sa amá ni Go na si Deciderio Go at kapatid na si Alfredo Go.
Base raw sa mga nakalap niláng mga dokumento, ang pagbibigáy ng kontrata sa mag-amang Deciderio at Alfredo ay nagsimulâ noong 2007 at lumakí pa ng hustó ang halagá ng mga kontrata nang maupô sa Malacañang si Duterte.
BASAHIN: Ouster plot kay Marcos luto ng kampo ni Duterte – Trillanes
Naniniwalà ang dating senador na kumpleto sa mga elemento ng plunder sa inihain niyáng reklamo.
May hiwaláy pa na reklamong paglabág sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na inihain si Trillanes laban din kina Duterte at Go.
Itinanggí na ni Trillanes na pamumulítika lamang ang motibo niya sa paghain ng mga reklamo.