Ayusin ang sex education para iwas teen pregnancy – Gatchalian

PHOTO: Sherwin Gatchalian STORY: Ayusin ang sex education para iwas teen pregnancy – Gatchalian
Sen. Sherwin Gatchalian —File photo mulâ sa Senate Public Relations and Information Bureau

METRO MANILA, Philippines — Nanawagan  si Sen. Sherwin Gatchalian ng mas istriktong pagpapatupád ng comprehensive sexuality education sa mga kabataan.

Ginawâ ni Gatchalian ang panawagan dahil nabahalà siyá sa ulat ng Commission on Population and Development (CPD) na higít 22,000 dalagita ang nauulit ang pagbubuntís.

Sa naturang ulat, ang mga mulíng nabubuntís ay nasa pagitan ng edád na 13 at 15.

BASAHIN: DepEd hinimok na suriin ang sex education

BASAHIN: Teen pregnancy lumobo dahil kapos sa sex education – Gatchalian

Ayon sa CPD, ang pagulit ng pagkabuntís ng mga menor de edád ay bunga nang pagpuwersa sa kanilá na makisama na sa lalaki na unang nakabuntís sa kanilá, at ang malakíng agwát ng edad ng lalaki ay isáng dahilan na nagkakaroon ng pang-aabuso sa relasyón.

Sinabi ni Gatchalian na sa kanyáng palagáy ang isá sa pinakamabisang paraán para maiwasan ang maagang pagkakabuntis mulí ay panatilihin sa paaralán ang dalagitang iná para dumaán siyá sa sex education at child protection program.

“Napagkakaitan ang mga batang iná na magkaroón ng magandang edukasyón at ang paulit-ulit na pagbubuntis ay maaaring senyales ng pang-aabuso. Mahalagáng panagutín natin ang mga nang-aabuso sa mga batang kababaihan at tiyakíng mabibigyán natin ng pangalawáng pagkakataón ang mga batang iná,” sabi ni Gatchalian, na siyáng namumunò sa Senate Committee on Basic Education.

Hinilíng din niyá ang mahigpít na pagpapatupád ng Republic Act No. 11596 na nagbabawal sa pagpapakasál ng mga 18 anyos pababâ at nagbabawal sa pagsasama ng isáng may edad at menor de edad ng waláng kasál.

Read more...