Patay ang isang drug suspect, pati ang kaniyang ama sa mismong loob ng police station sa Pasay City matapos umanong pumalag ang mga ito sa mga pulis na umaaresto sa kanila.
Si JP Bertes lamang ang inaresto ng mga pulis sa kanilang tahanan sa Pasay City, Huwebes ng umaga, ngunit ayaw ng kaniyang ama na si Renato Bertes na iwanan ang anak sa mga pulis kaya sinamahan niya ito.
Pero pagdating ng pasado alas-2:00 ng hapon, nabalitaan na lamang ng kanilang mga kaanak na patay na ang mag-ama matapos umanong agawin ni JP ang baril ng pulis na nagtatanggal ng posas niya.
Paliwanag ng hepe ng Pasay Police Station 4 na si Insp. Jacqualine Ta-a, nang-agaw ng baril si JP sa isa sa kaniyang mga tao kaya napilitan silang barilin ito.
Nag-tamo rin ng tama ng baril ang ama ni JP na siyang ikinamatay nito, pero naman hindi gaanong naipaliwanag ni Ta-a ang kabuuang pangyayari.
Labis naman ang paghihinagpis ng pamilya nina Bertes lalo’t susuko na dapat umano si JP sa mga pulis noong araw na iyon dahil na rin sa takot na mapatay.
Bagaman iginiit ng pamilya na iligal ang pagkaka-aresto kay JP, nilinaw ni Ta-a na hindi kailangan ng warrant of arrest sa mga on-the-spot operations.