METRO MANILA, Philippines — Nagpahayág ng kanyang pagkabahala si Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes sa nangyaring data breach sa Jollibee Food Corp.
Sinabi ni Ordanes nitóng Martés na hindi maisasantabí ang posibilidád na kabilang sa mga kustomer na nakuhanan ng kanilang detalye ay mga senior citizen.
Sa ngayón, ániya, ay maaaring gamitin ang mga detalye para sa identity theft, scam, at iba pang cyber crimes dahil nagpapakita ng kaniláng ID ang mga senior citizen para sa diskuwento.
BASAHIN: Arestadong ‘Chinese hacker‘ aalamín ng CIDG kung espiya
BASAHIN: National ID sa socmed delikado sa cybercrimes – PSA
“Sapat na ang pangalan, contact numbers, at ID numbers para makagawâ ng pekeng ID na gagamitin sa mga transaksyón,” ani Ordanes.
Dagdág pa ng mambabatas, madalíng maloko at malitó ang mga senior citizen sa paggamit ng makabagong teknolohiya.
Posible din na ibenta sa sindikato ng data mining ang mga nakuhang detalye mulâ sa data ng Jollibee.
Umaasa na lamang si Ordanes na iniimbestigahan na ng JFC ang insidente at matiyák na hindí na itó mauulit, bukód pa sa ipapasa na sa Senado ang panukalang Anti-Financial Accounts Scamming Act.
Base sa mga naglabasang ulat, aaboót sa 11 milyong kustomer ng Jollibee, Mang Inasal, Red Ribbon, Chowking, Greenwich, Burger King, Yoshinoya, at Panda Express ang nakuhanan ng mga personál na impormasyón.